You are visitor

22 Mayo 2011

Bangkero

Daig pa niya ang ginigiyang.

Dinig lamang niya ang hampas ng mga alon sa dalampasigan. Nakatitig lamang siya sa naglalagablab na apoy mula sa siga, bawat nigas ng kahoy na nasusunog at isa lamang ang nagpapaalala sa kanya: Yosi. Magdamag siyang bumibiling biling sa tabi ng apoy. Lumalagablab pa mandin ang apoy na siga nila sa dalampasigan, ngunit walang maidulot na ligaya sa kanyang mga buto.

Matawa-tawa lamang si Dante sa kanya, lango sa alak at sa chongki. Pinagtatawanan ang kasama. Laughtrip kung laughtrip.



"itigil mo na kasi sinabi ang yosi."

"Hindi naman pwedeng ganun ganun lang na itigil."

"Pwes wala kang choice," sagot ni Dante, habang humihiga sa buhangin, "Di sana, bago ka pumunta dito sa resort, bumili ka na ng isang ream."

"Wala ba talagang tindahan dito?"

"Ungas ka ba?" pakutyang biro nito, "Isla itong pinuntahan mo, naghahanap ka ng sari-sari store? Mamamangka ka pa bago makarating doon."

Lumalaki ang pagsisisi ni Edong habang nanunuyo ang lalamunan. Gustuhin man niyang itigil ang pagyoyosi, hindi niya maalis sa isipan niya. Liblib sa sibilisasyon ang napili nilang palipasan ng kanilang oras at ni walang kuryente, walang masyadong tao.



Ilang sandali pa, naghihilik na ang kasama niya.

"Putangina naman."

Umaandap-andap ang liwanag ng siga sa paligid, banayad na pinapaalala sa kanya ang inuman ng nakaraang gabi. Ilang basyo ng alak at isang bandehado ng inihaw na isda. Sa isang sulok, nakahilata ang katawan ni Dante, damit lamang ang board shorts at ang kapirasong twalyang hindi man lamang naikumot nang maigi sa kanyang dibdib.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...